HDO hihilingin vs 2 suspect na nanaksak sa grupo ni Jeron Teng
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong frustrated homicide at less serious physical injury ng Southern Police District (SPD) ang dalawang suspect na natukoy na sangkot sa pananaksak kay Philippine Basketball Association (PBA) player Jeron Teng at dalawa pa nitong kasamahang basketbolista sa nangyaring insidente sa isang bar sa Global City, kamakalawa ng madaling araw, ayon kay SPD Director P/Chief Supt. Tomas Apolinario Jr.
Kaugnay nito, ayon pa kay Apolinario ay hihilingin din nila sa korte na magpatupad ng hold departure order laban sa dalawang suspect na mga US citizen.
Si Teng, manlalaro ng Alaska Aces; Norberto Torres ng Rain or Shine Elasto Painters ng PBA at Thomas Torres ng Mandaluyong El Tigre ng Maharlika Pilipinas Basketball League ay pawang nasugatan sa insidente
Kinilala naman ni Apolinario ang mga suspect na sina Edmar Manalo, 40, isang US citizen at William Basili, 38, isang construction ins-pector na isa ring US citizen. Ang isa sa mga unang nasakoteng suspect na si Joseph Varona, 33 ay inabsuwelto naman matapos na matukoy na hindi ito kabilang sa nanaksak sa mga biktima.
Noong linggo (Hunyo 3) dakong alas-2:30 ng mada-ling araw habang naglalakad ang grupo nina Teng sa harapan ng Early Night Club sa Fort Strip sa Global City nang harangin ng mga suspect hanggang sa mauwi ito sa mainitang pagtatalo at pananaksak sa grupo ng una.
Ang mga biktima ay mabi-lis namang isinugod sa Saint Luke’s Medical Center sa Global City kaugnay ng tinamong saksak sa kanilang mga ka-tawan mula sa ‘ring knife’ na ginamit ng mga suspect.
Samantalang bago ang insidente ay kagagaling lamang ni Teng sa laro ng Alaska Aces sa Global Port Batang Pier. Ang kapatid nito na si Jeric Teng ay manlalaro naman sa Global Port.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, may mga security adjustments na ipinapatupad ngayon ang SPD sa Bonifacio Global City partikular sa mga business establishments o mga bar at night clubs upang maiwasang maulit pa ang insidente.
- Latest