MANILA, Philippines — Sa pagsisimula kahapon ng Ramadan, inatasan ni Manila Mayor Joseph Estrada si Manila Police District Director Chief Supt. Joel Coronel na tiyakin ang seguridad nito.
Ayon kay Estrada, kailangan na respetuhin ang paniniwala ng mga Muslim kaya’t kinakailangan din na masiguro na walang gulong mangyayari sa isang buwang pag-aayuno ng mga ito.
Sinabi naman ni Coronel, nananatili pa sa full alert ang buong pwersa ng Philippine National Police dahil ang panahon ng eleksyon ay tatagal pa hanggang May 21.
Dahil dito, mabigat pa rin ang deployment ng mga pulis sa lungsod at nakalatag pa rin ang mga checkpoint sa buong Maynila.
Mahigpit umano nilang binabantayan ang Quiapo kung saan naroon ang dalawang malaking mosque, pati na ang Islamic Center doon, gayundin ang Baseco sa Port Area kung saan mayroon ding dalawang mosque.
Sinabi pa ni Coronel na batay mismo sa threat assessment mula sa PNP-National Headquaters, wala silang namomonitor na actual imminent threat o aktwal na banta sa seguridad sa Metro Manila.
Pagtitiyak pa ni Coronel, mananatili ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa buong buwan ng paggunita sa Ramadan at katuwang nila rito ang Muslim community.