Parojinog Jr. inilipat na sa Quezon City jail
MANILA, Philippines — Inilipat na sa Quezon City Jail mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame si Reynaldo Parojinog Jr ., nitong Huwebes ng gabi.
Ito ang kinumpirma kahapon ni PNP Spokesman P/Chief Supt. John Bulalacao base sa natanggap nilang commitment order mula sa korte.
Bandang alas -8 ng gabi kamakalawa, ayon kay Bulalacao ng eskortan ng mga bantay nitong pulis sa PNP Custodial Center si Parojinog patungo sa Quezon City Jail.
Nabatid na ang paglilipat ng detention sa batang Parojinog ay base sa commitment order na inisyu ni Judge Nadine Jessica Corazon Fama ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 79 na may petsang Mayo 9, 2018.
Si Parojinog ay anak ni Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog, nasa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte na napaslang sa raid ng pulisya matapos na umano’y manlaban sa mga awtoridad.
Magugunita na si Mayor Parojinog at 14 iba pa kabilang ang misis nitong si Susan Engracia Parojinog ay napatay matapos na umano’y manlaban sa mga awtoridad sa raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 10 sa raid dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Brgy. San Roque, Ozamis City noong Hulyo 30, 2017.
Samantalang si Parojinog Jr. at kapatid nitong si Ozamis City Vice Mayor Nova Princess Parojinog ay nasakote at ipiniit sa PNP Custodial Center.
- Latest