MANILA, Philippines — Inihayag ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na magkakaroon pa ng mga pagbabago sa panukalang ordinansa laban sa pag-angkas ng lalaki sa motorsiklo na pinoprotesta ngayon ng malalaking grupo ng motorcycle riders.
Ito ay makaraang daan-daang motorcycle riders buhat sa iba’t ibang club ang sumugod sa Caloocan City Hall nitong nakaraang Biyernes ng gabi upang manawagan laban sa pag-apruba sa panukalang ordinansa na iniakda nina Councilors Rose Mercado, Marilou Nubla at Christopher Malonzo.
Hinarap naman ni Malapitan ang mga lider ng mga motorcycle club at ipinaliwanag na daraan pa sa proseso ang pag-apruba sa ordinansa sa Konseho o Sangguniang Panglungsod ng Caloocan at dahil may protesta ay posibleng magbago pa ang nilalaman nito o hindi niya aprubahan depende sa magiging rekomendasyon ng kanilang Legal Department.
Sa ilalim ng panukalang City Ordinance 18-136, ipagbabawal ang pag-angkas ng lalaking backrider sa motorsiklo kung hindi siya kamag-anak o katrabaho ng tsuper habang nasa loob ng lungsod. Ang paglabag sa ordinansa ay may katumbas na parusang multa mula P500-P5,000 at posibleng pagkakulong mula 10-60 araw.
Idinagdag ng alkalde na mga grupo ng mga negos-yante sa lungsod ang lumapit sa lokal na pamahalaan para magpasa ng ordinansa na susugpo sa ‘riding-in-tandem criminals’ dahil sa taas ng antas ng krimen sa lungsod. Dito nabuo ang panukalang ordinansa na iniakda ng mga konsehal.
“Hinihingi ng business sector sa Caloocan. Kumilos ang mga konsehal, ngayon makikita na may against at pag-aaralan kung kailangan bang aprubahan o hindi. Kung kailangan bang amiyendahan. Nasa public hearing pa lang tayo, pinag-aaralan ang mga problema. Kung unconstitutional ba ito,” paliwanag ni Malapitan.
Partikular na kinondena ng mga riders sa ilalim ng Riders of the Philippines (ROTP) at Motorcycle Rights Organization (MRO) ang diskriminasyon sa mga riders, probisyon sa pagpapakulong, habang iginigiit na responsibilidad ng Philippine National Police (PNP) ang paglaban sa mga kriminal na ‘riding-in-tandem’ sa pamamagitan ng ‘police visibility’ at hindi pagpapahirap sa lahat ng nagmomotorsiklo.