MANILA, Philippines — Walong miyembro umano ng isang drug syndicate kabilang ang tatlong mag-aama ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Valenzuela City Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Air Force-Intelligence Unit nang salakayin ang isang bahay na ginagawang sentro ng operasyon ng mga suspek kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala ang mga nadakip na sina Ra-fael Camua Sr., alyas ‘Rap’, 59; mga anak niyang si Rafael Jr., alyas ‘Raprap’, 28; at Ralph Jerome, 21. Kabilang rin sa mga nadakip sina Ruby Cruz, 27, ng Tondo, Maynila; Jarvis Campbell Go, 20; Joseph Cabudol Jr., 21; Jack Daniel Henson, pawang ng Marulas, Valenzuela City; at si Romerico Camua, 52, ng Potrero, Malabon City.
Sa ulat, alas-9:25 ng gabi nang salakayin ng Valenzuela City Police Station-Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Chief Insp. Jowilouie Bilaro, PAF 300th Air Intelligence Security Wing at PDEA-Camanava ang bahay ng mag-aamang Camua sa may No. 99 R. Valenzuela Street, Brgy. Marulas.
Armado ng search warrant na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court Executive Judge Nena Santos, kinubkob ng mga otoridad ang naturang bahay na ginagamit umano na drug den. Hindi na nakapalag ang walong suspek nang mapalibutan ng mga pulis, sundalo at ahente ang kanilang kuta.
Agad na tumambad ang nasa 14 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, dalawang unsealed na plastic sachet na may bakas pa ng puting pulbos, at mga drug paraphernalia. Isang kahon ng cellular phone ang binuksan ng mga otoridad na naglalaman pala ng 27 pang plastic sachet ng iligal na droga.