85% ng mga nadismis na pulis, problemado sa pamilya
MANILA, Philippines — Walumpu’t-limang porsiyento sa mga pulis na nadismis sa serbisyo ay problemado sa kanilang mga pamilya.
Ito ang isiniwalat ni NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Rogelio Casurao sa pagbisita nito sa Camp Crame kahapon.
“Sa ating mga kapulisan kung anuman ang ipinapakita nila ngayon sa serbisyo, ito’y salamin kung anong klaseng pamilya ang pinanggagalingan nila”, ani Casurao.
“Karamihan, kapag ang pulis ay nasasangkot sa hindi tamang gawain, when you look back, when you trace back, makikita mo somehow na nagkaroon ng problema ang pamilya niyan”, saad pa ni Casurao na iginiit na lalo na umano sa mga nasangkot sa droga.
Sa tala, simula nitong nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan ay umaabot sa mahigit 300 pulis ang nasibak sa serbisyo kaugnay ng pagkakasangkot sa samut-saring mga katiwalian.
Binigyang diin ni Casurao na dahil dito ay dapat na palakasin ang pamilya ng mga pulis upang maging maayos ang pagtupad nito sa tungkulin.
Sa panig naman ni PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao, aminado ito na karamihan sa mga nag-AWOL (Absence Without Official Leave) at maging mga naligaw ng landas ay dumanas ng matinding problema sa kanilang mga pamilya.
Idinagdag pa nito na kabilang sa mga problema ng mga nadismis na pulis ay kulang sa pera, kaya nag-AWOL habang ang iba pa ay nalulong sa masamang gawain.
Dahil dito, sinabi ni Bulalacao na isasailalim nila sa counseling ang kanilang mga pulis kaugnay ng “emotional upliftment at psychological enhancement”.
- Latest