Aktor na si Cogie Domingo, 2 pa huli sa droga
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang aktor na si Cogie Domingo at dalawang iba pa sa isinagawang anti-drug operation sa Parañaque City nitong Biyernes ng umaga.
Kinumpirma ni PDEA Spokesman Derrick Carreon ang pagkakaaresto ng PDEA CALABARZON kay Cogie Domingo, Redmond Christopher Fernandez Domingo sa tunay na buhay, 32; Almira Bautista at Francisco Lim.
Nabatid na nagsagawa ng anti-drug operation ang PDEA CALABARZON laban kay Domingo matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa paggamit ng mga ito ng droga na hinihinala ring sangkot sa illegal drug trade bagaman patuloy pa itong isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
Si Domingo ay kabilang sa 54 celebrities na nasa listahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga taga- showbiz na gumagamit at nagtutulak umano ng droga.
Sa tala, si Domingo ay nagsimula sa kaniyang acting career noong ito’y 10-anyos pa lamang. Huminto sa showbiz noong 2006 matapos na kumalat ang bulung-bulungan na gumagamit ito ng droga at kailangang sumailalim sa rehabilitasyon. Taong 2010 ay muling nagbalik sa showbiz si Domingo na umaming sinubukang gumamit ng droga pero hindi umano siya adik.
Itinanggi naman ng aktor ang akusasyon sa pagsasabing kumakain sila ng hapunan nang agad silang palibutan at arestuhin ng PDEA.
Kasalukuyan na nga-yong nakaditine ang actor at kaniyang misis sa PDEA CALABARZON sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna.
- Latest