MPD nanindigan sa anti-drug operations
MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga rekla-mong isinampa ng isang grupo ng mga residente sa San Andres Bukid, nanindigan ang Manila Police District (MPD) na tagumpay ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon kay MPD Director Chief Supt. Joel Coronel, naniniwala silang walang nalabag na karapatang-pantao ang pulisya sa pagsasagawa ng anti-drug operations. Sasagutin na lamang nila sa korte ang naturang petisyon.
Dumulog sa SC ang ilang miyembro ng religious order at residente ng San Andres Bukid upang humingi ng writ of amparo na anila’y magpo-protekta sa kanila laban sa pang-aabuso ng mga operatiba ng MPD, partikular na iyong mga taga-Station 6.
Pinangunahan ito ng human rights advocacy group na Center for International Law Manila (Centerlaw).
Bukod kay Coronel, kasama sa mga respondents sina PNP Director General Ronald Dela Rosa; Supt. Olivia Sagaysay, hepe ng MPD Station 6; at 16 pang pulis.
Base sa direktiba ni Manila Mayor Joseph Estrada, tuloy lang ang MPD, kasama ang mga barangay at Manila Anti-Drug Abuse Council (MADAC), sa kanilang isinasagawang barangay drug-clearing operations katulong ang mga opisyal ng barangay.
Target ng lokal na pamahalaan na maging “drug-free” ang 400 pang barangay bago matapos ang taon.
Idinagdag pa ni Coronel na hindi dapat makompromiso ang seguridad ng mga residente laban sa mga gumagawa ng iligal partikular sa talamak na iligal na droga.
“We stand by our accomplishments in the campaign against illegal drugs wherein we were able to reduce demand and supply cycle in the City of Manila, not just in District 6,” ani Coronel.
Paano aniya, mapoprotektahan ang mga constituenst ng 28 barangay sa inihaing petisyon kung magtatagumpay ang petisyon na sila ay pagbawalang pasukin o pakialaman ang mga lugar na saklaw dito.
Posible aniyang, may- roong nasa likod ng petisyon na nasasagasaan ng mga operasyon ng pulisya na nagsulong sa paghahain ng class suit sa SC.
- Latest