Tulong ng Interpol, hihilingin ng PNP
Sa pagtugis sa pumugang hazing suspect
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel na makikipag-ugnayan na sila sa International Police kasunod ng ulat ng Bureau of Immigration na kumpirmadong nakalabas ng bansa ang isa sa pangunahing suspek na si Ralph Trangia.
Hihilingin din ng MPD sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Trangia.
Sa naging pahayag naman ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, sinabi niya na mapapabilis ang pagpapadeport kay Trangia sa oras na siya ay matunton ng Interpol dahil lalabas na siya ay undocumented alien.
Si Trangia, batay sa rekord ng Bureau of Immigration, ay nakaalis sa bansa nitong Setyembre 19, 2017, isang araw bago makapagpalabas ng Immigration Lookout Bulletin ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na suspek sa pagpatay kay Castillo.
Samantala, nanawagan naman si Dela Rosa sa mga miyembro ng Aegis Juris na sumuko na lamang at harapin ang problema.
Naniniwala si Dela Rosa na hindi naman masasamang tao ang mga sangkot sa hazing kay Castillo dahil sila ay mga estudyante ng abogasya.
Samantala, isang security guard ng Chinese General Hospital (CGH) ang nagpatibay pa ng impormasyon kaugnay sa mga taong nagdala sa ospital sa bangkay ng UST law student na si Horacio Castillo III noong Linggo (Setyembre 17) ng umaga.
Kahapon nang magbi-gay ng kaniyang salaysay sa Manila Police District-Homicide Section ang sekyu na itinago sa pangalang Philip na nagsabing isang lalaking sakay ng motorsiklo at isang lalaking ‘daddy-loo-king’ ang bumaba mula sa driver’s seat ng Mitsubishi Strada alas-9:00 ng umaga na naghatid sa emergency room sa biktima.
Dahil sa ipinakitang litrato ni John Paul Solano ay positibo niyang nakilala ito na sakay ng sinasabi niyang motorsiklo.
Samantala, sinabi naman ni Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel na hawak na nila ang footages na kuha sa closed circuit television (CCTV) ng CGH at sa pamamagitan nito ay natukoy nila ang oras at petsa at pagdating ng mga suspek na nagdala kay Castillo, pati na ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Kasalukuyan na rin umanong pinag-aaralan ng MPD ang mga footages na kuha ng 348 na CCTV ng University of Sto. Tomas para matukoy kung sinu-sino pa ang nakitang kasama ni Castillo.
- Latest