MANILA, Philippines - Isang lalaki na pinaniniwalaang ‘‘tulak’’ ang nabaril at napatay ng isang tauhan ng Manila Police District-Police Station 4, matapos na rumesponde kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang nakilalang si Emmanuel Tarroza, ng 1588 Algeciras St.Sampaloc, Maynila dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rodel Benitez,ng Manila Police District-homicide section,naganap ang insidente dakong alas-11:10 ng gabi sa bahay ng suspek malapit sa riles ng tren sa nabanggit na lugar.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga elemen-to ng MPD-PS 4 kaugnay sa laganap na bentahan ng ipinagbabawal na droga sa lugar at ang umano’y nagaganap na pot session. Nagtungo sa lugar ang mga pulis sa pamumuno ni SPO4 Ramon Relator para beripikahin ang sumbong.
Nagawa umanong makalapit sa bahay ng suspek si PO1 Diomar Landoy at nakasilip sa pintuan na natatakpan lamang ng kulay berdeng kurtina.
Nakahalata umano ang suspek sa pagdating ng mga pulis kaya agad itong nagpaputok ng kanyang .38 baril at nagtangkang tumakas hanggang sa maabutan sa riles kaya’t pinaputukan ni Landoy na agad na namatay.
Nakuha sa suspek ang baril na may kargang apat na bala at isang basyo, apat na sachet ng shabu.
Sa Pasig City , pinagbabaril si John Christopher Coronado, 28, binata, walang hanapbuhay at residente ng 384 Callejon 2, sa Brgy. Sta. Cruz, na umano’y nasa drug watchlist habang naglalakad pauwi nitong Sabado.
Nasawi si Coronado bunsod nang anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, habang mabilis namang tumakas ang mga suspek, na inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO3 Rodelio Olalia, ng Pasig City Police, na dakong alas-4:45 ng hapon nang maganap ang krimen sa Kapitan Ato Street sa Brgy. Sta. Cruz.
Naglalakad ang biktima pauwi nang bigla na lang pagbabarilin ng mga suspek at saka mabilis na tumakas nang makitang patay na ang biktima.
Narekober ng mga pulis ang anim na basyo ng bala ng di batid na kalibre ng baril mula sa pinangyarihan ng krimen.
Teorya naman ng pulisya na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen matapos na matukoy na kilalang drug personality ang biktima, ngunit patuloy pa nila itong iniimbestigahan.