Ex-Abra vice governor nilikida sa sabungan

MANILA, Philippines - Patay ang dating vice governor ng Abra habang sugatan naman ang dalawa nitong kasama makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa sabungan sa Marikina City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni EPD Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, ang biktima na si Rolando Daet Somera, 62, ng #28 Philip Street, Vista Verde, Executive Village sa bayan ng Cainta, Rizal.

Naisugod naman sa ospital ang dalawang kasama nito na sina Reynaldo De Luna, 46; at Wilfredo Apaliso.

Sa imbestigasyon ng Marikina police, nabatid na ang krimen ay naitala dakong ala-1:10 ng madaling araw sa San Roque Cockpit Arena sa Barangay San Roque, Marikina City.

Ayon sa police report, katatapos lang na dumalo sa sabungan ang mga biktima at habang papalabas ng cockpit arena nang abangan at ratratin ng tandem gunmen. 

Nagtamo ng mara­ming tama ng  bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dating bise gobernador kaya kaagad na namatay.

Sa inisyal na pagsisiyasat, lumilitaw na non-related drug incident ang naganap na pamamaslang sa dating opisyal ng Abra at dalawa nitong kasama.

Sinisilip naman ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong politika o negosyo ang isa sa motibo sa pagpatay sa nasabing opisyal

Show comments