3 ‘tulak’, bulagta sa drug-bust

MANILA, Philippines -  Tatlong drug suspect ang iniulat na nasawi makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang hiwalay na buy-bust operation sa Maynila at Caloocan.

Sa Maynila, bulagta ang dalawang ‘tulak’ ng droga nang  makipagbarilan sa mga tauhan  ng Manila Police District-Station 6 sa San Andres Extension., Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Danilo Razoda , alyas Danny, 56   at Roberto Alvarez, alyas Robert, 33 kapwa residente ng San Andres Ext., Sta. Ana, Maynila.

 Arestado naman ang d­alawa pang babae na kinilalang sina Ma. Elsa Morales   at Rosalinda Borromeo, ng nabanggit ding lugar.

Sa ulat ni Supt. Jerry Corpuz, hepe ng Manila Police District-Station 6, dakong alas- 2:45 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente sa isang barung-barong na matatagpuan sa nasabing address.

Nakabili umano ng shabu ang mga poseur-buyer na pulis, sa tulong ng informant sa pakay na si Danny.

Nang sasalakayin na ng mga nakaposisyong ope­ratiba ay natunugan umano ng suspek ang ikinikilos ng mga nagpanggap na kostumer kaya nagbunot ng baril at ang kasamang si Alvarez at pinaputukan ang mga pulis na nauwi sa palitan ng putok.

Bumulagta ang dalawang suspek na dinala pa sa Sta. Ana Hospital na idineklarang dead on arrival.

Hindi naman nakaligtas sa pag-aresto ang dalawang babaeng kaanak ni Danny na inabutan sa nasabing pagsalakay.

Sa Caloocan City, patay din ang drug suspect na kinilala lamang sa alyas Jomar sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.  

Ayon sa hepe ng Caloocan City Police na si Police Sr. Supt. Chito Bersaluna,  alas-12:20 kahapon ng madaling araw nang magkasa  ang kanyang mga tauhan na nakatalaga  sa Police Community Precinct (PCP)-5 Drug Enforcement Unit ng buy-bust operation laban sa suspect  sa Macopa St., San Vicente Ferrer, Brgy. 178 ng naturang lungsod.

Nabatid na isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu at dito natunugan ng suspect na ang kanyang katransaksiyon ay isang alagad ng batas kung kaya agad itong nagbunot ng baril at pinaputukan ang  pulis na hindi tinamaan. Agad na gumanti ng putok ang mga kasamang awtoridad na ikinatama ng suspect.

Show comments