MANILA, Philippines - Bilang pagbibigay respeto sa mga simbahan, paaralan, ospital at mabilis na pag-ayuda sa mga aksidente, lalagyan na ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng ‘‘No Parking’’ sign ang mga ito kabilang ang mga lugar na may fire hydrants.
Ayon kay MTPB Director Dennis Alcoreza, ang pagla-lagay ng ‘No Parking’ signs sa mga ito ay respeto sa mga guro, estudyante, pari at mga doktor lalo na kung may mga emergency cases.
Maglalagay din sila ng ‘No Parking’ signs sa mga may fire hydrants dahil dito kinukuha ng mga bumbero ang supply ng tubig para sa pag-ayuda sa mga nasunugan.
Paliwanag ni Alcoreza, maraming motorista ang iresponsable at kung saan-saan na lamang nagpa-park.
Paliwanag ni Alcoreza, dapat maluwag ang mga kalye sa paligid ng mga ganitong lugar kung saan marami palaging tao upang hindi mahirapan ang mga bumbero, pulisya, at iba pang emergency services na rumesponde sa anumang kaganapan.
Giit pa nito, automatic tow ang mag-park. Aniya, wala nang boundary at lahat ay ginagawa ng parking area ng mga motorista.
Ang mga may-ari ng bi-natak na light vehicles ay magmumulta ng P3,800; P5,000 sa mga vans at mga SUVs; P8,000 sa mga mala-laking sasakyan tulad ng trak.
Ang mga na-clamped na sasakyan naman ay may kaukulang multa na P900.