2 ‘tulak’ dedo sa shootout

MANILA, Philippines -  Utas ang dalawang hinihinalang ‘‘tulak’’ ng droga nang matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isi­nagawang drug bust ope­ration sa Caloocan City, kahapon ng tanghali.

Kinilala ng hepe ng Caloocan City Police na si  Police Senior Supt. Chito Bersaluna ang mga nasawing suspect  na si Joel Calimbas, alyas Toto, ng Maligaya Park, Brgy. 177 at hindi pa kilalang kasabwat nito na nasa 30 hanggang 35 ang edad.

Sa inisyal na report na isinumite ni Caloocan Police North Extension Office (NEO) Homicide investigator,  PO3 Israel Albay,  naganap ang insidente alas-12:40 ng tanghali sa Block 16,  Lot 34 Cecilia St, Maligaya Park, Brgy. 177 ng naturang siyudad.

Nabatid na nagsagawa ang mga pulis  ng buy-bust operation laban kay Calimbas subalit, napansin umano ng suspect, na pulis ang kanyang katransaksyon kaya agad itong naglabas ng baril.

Kaagad pinaputukan ni Calimbas at umano’y kanyang kasabwat ang mga pulis na napilitan namang gumanti ng mga alagad ng batas, na nagresulta ng agarang kamatayan ng mga suspect.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Office (SOCO) ang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang cal .45 pistola at isang calibre .38 revolver mula sa mga nasawing suspect.

Show comments