MANILA, Philippines - Patuloy ang pagbaba ng water level sa La Mesa dam sa Quezon City bunga ng patuloy na dry season na nararanasan sa bansa.
Sinabi ni Engr. Teddy Angeles ng La Mesa dam, bagamat may mga pag-uulan na nararanasan sa Luzon lalu na sa Metro Manila sa ngayon ay hindi naman ito nagbibigay ng dagdag na suplay ng tubig sa naturang dam dahil ang tubig ulan ay napupunta na lamang sa tigang na lupa.
Ang La Mesa dam ay bahagi ng Angat-Ipo-La Mesa Water system na nagsusuplay ng 90 percent ng inuming tubig sa Metro Manila.
Kahapon ng umaga, pumalo sa 78.46 meters ang water level ng La Mesa dam o mas mababa sa normal na 79.3 meters ang water level sa naturang dam.
Noong nakaraang Martes anya, April 18 ng umaga ay bumaba sa 78.56 meters ang water level ng dam, habang noong Miyerkules naman ay 78.49 meters ang water level nito na nagpapakita ng indikasyon na araw- araw ay bumababa ang lebel ng tubig dito.
Sinabi ni Angeles kung ikukumpara noong nagdaang March 2016, mas mataas ang demand ng tubig ngayong taon dahil sa sobrang init ng panahon.
Binigyang diin ni Angeles na kapag tuluyang ninipis ang tubig sa naturang dam ay magkaroon ng Pressure Management o paghina ng daloy ng tubig sa mga gripo ng bawat bahay sa Kamaynilaan.
Gayunman, sinabi nito na kahit na humina ang suplay ng tubig ay hindi naman tuluyang mawawalan ng suplay ng tubig ang metro Manila.
Bunga nito, hinikayat ni Angeles ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig at i-report agad sa kinauukulan ang makikitang pagtagas ng mga tubo ng tubig o illegal connections ng tubig para agad maaksiyonan ng ahensiya.