MANILA, Philippines - Lima katao ang iniulat na nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril na naganap sa ibat-ibang lugar sa Kalakhang Maynila.
Tatlong kalalakihan ang nasawi sa pamamaril sa Caloocan, Malabon at Navotas City kahapon.
Ayon kay Police Senior Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan City Police, alas-4:00 kahapon ng madaling araw nang pagbabarilin ng hindi kilalang suspect ang hindi pa kilalang biktima na nakasuot ng itim na t-shirt, brown short at nakabalot ng tela ang ulo nito sa kahabaan ng Phase 8 Brgy. 176 Bagong Silang ng naturang siyudad.
Sa Navotas City, alas-7:30 ng Biyernes ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Raul Rarugal Jr., 25, ng Marcelo St., Road-10, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) ng mga nagro-roving na barangay tanod sa kahabaan ng Road-10 ng naturang lungsod.
Samantala, dead on arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Samboy Versoza, 23, ng Brgy. Longos, Malabon City sanhi ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sa imbestigasyon nina Malabon City police investigators PO3 Roger Gonzales at PO2 Diego Ngippol, naganap ang insidente ala-1:00 ng hapon sa kahabaan ng Pampano St. habang naglalakad ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Adeline Joy Torbanada sa naturang lugar nang bigla na lamang huminto sa kanilang harap ang isang motorsiklo lulan ang dalawang lalaki.
Bumaba ang nakaangkas, na nakasuot ng jacket, helmet, bonnet at armado ng baril saka pinutukan si Versoza sa harap ng ka-live-in, subalit hindi ito tinamaan kaya mabilis na tumakbo ang biktima papasok sa loob ng water refilling station.
Hinabol pa rin ito ng mga suspect at nang masakote ay sunod-sunod itong pinutukan bago mabilis na nagsitakas ang mga ito.
Habang isinugod naman si Versoza ng kanyang live-in partner sa naturang ospital subalit, hindi na ito umabot ng buhay.
Samantala, sa Pateros, isang lalaki na kabilang sa drug watchlist ng pulisya ang binawian ng buhay nang pagbabarilin rin ng riding in tandem, kamakalawa ng gabi.
Nasawi noon din sanhi ng ilang tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang biktimang si Dennis Reyes, 32, naninirahan sa Brgy. Tabacalera ng naturang bayan.
Sa report na natanggap ni Supt. Joel Villanueva, hepe ng Pateros Police Station, naganap ang insidente alas-6:00 ng gabi sa kahabaan ng Lt. Tiamsic St., Brgy. Tabacalera ng nasabing lungsod.
Habang naglalakad ang biktima ng biglang tumapat dito ang isang motorsiklong walang plaka kung saan pinagbabaril ang biktima. Matapos ang insidente, mabilis na nagsitakas ang mga suspect.
Sa Maynila, binawian ng buhay ang isang tulak ng iligal na droga nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang buy-bust operation, sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ala-1:00 ng madaling araw nang ideklarang patay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Mark Jason Rebolledo, alyas Jayson, na idineklarang dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat, alas-12:15 ng madaling araw nang isagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa mula sa District Drugs Enforcement Unit (DDEU), District Special Operations Unit (DSOU), District Police Inteligence Operations Unit at Plaza Miranda-Police Community Precint ng Manila Police District (MPD) laban sa suspek sa panulukan ng Cardenas, malapit sa S. Reyes St, sa Quiapo.