MANILA, Philippines - Patay ang riding in tandem, na hinihinalang sangkot umano sa mga serye ng mga patayan matapos itong makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspect, na nagtamo ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Ayon kay Police Senior Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan City Police, ala-1:40 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 4, Road Package 4, Brgy. 176 Bagong Silang ng naturang siyudad.
Bago ang engkwentro, nakatanggap ng ulat mula sa concerned citizen ang mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 3 sa pamumuno ni Police Chief Insp. Ronald Cayago hinggil sa dalawang kahina-hinalang lalaki na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka sa naturang lugar.
Dahilan upang kaagad na rumisponde ang mga pulis hanggang sa mamataan ang mga suspect na tumugma naman sa paglalarawan ng impormante sa itsura ng mga ito, na nakasuot ng green na t-shit, maong pants, mga naka- bonnet at face mask.
Nang paparahin ng mga pulis ang mga suspect, naglabas ang isa sa mga ito ng baril at pinaputukan ang mga alagad ng batas. Gumanti naman ng putok ang mga pulis, na nagresulta ng kamatayan ng tandem.
Narekober sa nagmamanehong suspect ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu at sa angkas nito ay nakuha naman ang kalibre .45 baril at mga bala.