MANILA, Philippines - Panibago na namang pagsalakay ng mga hinihinalang vigilantes na nakamotorsiklo ang naganap sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City at Navotas City, kamakalawa ng gabi kung saan tatlo katao ang kanilang napatay.
Sa ulat ng Caloocan City Police, nagpapahinga na sa loob ng kanyang bahay ang 49-anyos na si Ernesto Zalon, ng Sabalo Street, Brgy. 12, nang pasukin ng mga salarin na nakasuot ng bonnet at mascara at pagbabarilin ang una.
Agad na nagsitakas ang mga salarin sakay ng mga motorsiklo habang isinugod sa Caloocan City Medical Center ang biktima na hindi na umabot ng buhay.
Sa Navotas City, natutulog na rin sa kanilang barung-barong sa may Market 3 Brgy. North Bay Boulevard North bago maghatinggabi ang mga biktimang sina Jason Rivera, 32 at Zoren Quesio, 20, kapwa mga kargador sa Navotas Fish Port Complex, nang pasukin ng mga hindi nakilalang lalaki at pagbabarilin hanggang sa masawi.
Bago tumakas ang mga salarin, narinig pa ang mga ito ng mga saksi na nagsalita na, “hindi kasi kayo nagre-remit”. Aminado naman ang mga kaanak ng mga biktima na gumagamit ng iligal na droga ang dalawang napaslang ngunit hindi umano nagtututak.