Helper dedo sa boga

MANILA, Philippines – Isang lalaki ang patay habang sugatan ang  isang babae na  supervisor nang tamaan ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ang una ng mga hindi nakikilalang armadong lalaki sa harap ng isang vulcanizing shop sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni SPO1 Marvin Masangkay, may-hawak ng kaso, nakilala ang nasawi na si Edmund De Guzman, 37, helper ng No.19 Holy Drive, Brgy. Holy Spirit QC. Sugatan naman si Raquel Morillo, 34, may-asawa, supervisor ng nasabi ring establisimyento.

Base sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may harap ng pinaglilingkurang vulcanizing shop ng mga biktima dakong alas-11:30 ng gabi.

Kuwento ni Morillo,nag-aasikaso  siya sa kanilang customer sa shop nang makarinig ng mga putok ng baril na nagmumula malapit sa kanilang lugar.

Upang makaligtas, agad na nagtago si Morillo, su­balit tinamaan pa rin siya ng ligaw na bala sa kanyang kanang hita, hanggang sa makita niya ang walang buhay na katawan ni De Guzman habang duguang nakahandusay sa simento.

 Agad namang nakares­ponde ang mga opisyales ng barangay sa lugar at itinakbo ang mga biktima sa East Ave­nue Medical Center, subalit idineklarang dead-on-arrival si De Guzman.

Inaalam pa ng otoridad ang ugat ng pamamaril sa biktima.

Show comments