3 nagbenta ng mga pekeng BOC documents, naaresto

MANILA, Philippines -  Tatlong katao na gu­magawa ng mga pekeng dokumento na responsable rin sa talamak na smuggling activities sa bansa ang nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) sa isang entrapment operation nitong nakalipas na Enero 7.

Iniharap kahapon sa media ang tatlong suspek na sina Ofelia Ollave alyas “Leah”; Jocelyn Amancio at Ruben Flores na sasampahan ng reklamong falsification by private individuals sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code.

Ang mga ginagawa ng mga suspek ay nagiging dahilan para mawala ang daan-daan milyong buwis na papasok sana sa kaban ng bayan dahil gumagamit ang mga smugglers ng mga pekeng import document na nabibili lamang nila sa halagang P6,000 halaga ang bawat isa.

Kasama umano sa mga pinepeke ay ang mga import permit, import clearance mula sa ibat ibang ahensya ng gobyerno at ASEAN Free Trade Area Certificates (AFTA).

Sinabi ni BOC Spokesman Neil Anthony Estrella na dapat nang alamin kung sinu-sino ang mga kasabwat ng mga suspek sa paggawa ng  halos kopyang-kopya ang itsura ng pekeng dokumento sa orihinal na mga import document.

Nakabili ang ilang poseur-buyer mula sa NBI-AOTCD at BOC ng mga pinekeng dokumento na nakapuwesto sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila at ang isa pang puwesto sa may Isetann mall sa Recto Avenue.

Tatlong AFTA documents na nagkakahalaga ng P58,500 ang ipinagawa sa mga suspek at nagbigay lamang ng downpayment na P6,000 at nang makumpleto ang mga order ay nagkabayaran na , na lingid sa kaalaman ng mga suspek na kabilang sa ipinambayad sa kanila ang marked money.

Show comments