MANILA, Philippines - Isu-subpoena na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator at driver ng mga pampasaherong jeep na nakiisa sa ginawang tigil-pasada sa Metro Manila noong lunes.
Ito ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada ay upang makapag paliwanag ang mga driver at operator ng jeep kung bakit hindi maaaring suspendihin o mapawalang bisa ang franchise ng kanilang sasakyan dahil sa pakikiisa sa tigil-pasada.
Sinabi ni Lizada na inatasan na nila ang LTFRB-NCR na sinuhin isa-isa ang mga driver at operator ng jeep na nagtigil pasada sa mga lugar na naapektuhan ng strike tulad sa Baclaran-Nichols, Valenzuela Karuhatan at Market Market C5 na pinangungunahan ng Samahan ng Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (Stop & Go) Transport Coalition.
Binigyang diin ni Lizada na hindi sila maghihintay pa ng isa pang tigil-pasada bago sila kumilos dahilan sa ngayon pa lang anya ay magpaparusa na sila sa mga naging dahilan ng pagka-stranded ng maraming mamamayan dulot ng transport strike.
Alinsunod anya sa LTFRB Memorandum Circular No. 2011-004, ang mga operators ng mga pampasaherong sasakyan ay hindi maaaring magsagawa ng anumang demonstrasyon o protesta laban sa alinmang desisyon ng tanggapan ng pamahalaan.