MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang ex-convict makaraang pagbabarilin ng umano’y sakay ng isang kotse habang ang una ay naka-istambay sa harap ng kanilang bahay sa Brgy.Sauyo, Novaliches, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD) ang nasawi ay kinilalang si Rodel Rodriguez, 38, ng Sauyo Road, sa naturang barangay.
Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan sa suspek na mabilis na tumakas makaraang isagawa ang krimen.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Marvin Masangkay, nangyari ang insidente sa may harap ng bahay ng biktima, dakong alas 2:15 ng madaling araw.
Sinasabing kalalaya lamang ng biktima buhat sa ilang taon na pagkakapiit sa Quezon City Jail dahil sa kasong may kinalaman sa droga at mula ng lumaya ay nagbago na ito.
Nakatayo umano ang biktima sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang isang kotse at walang sabi-sabing pagbabarilin ito hanggang sa mapatay.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang nasa 11 basyo ng bala mula sa kalibre .45 baril, limang tingga ng mula sa nasabing baril, at isang cellphone na Nokia. Wala namang nakuhang droga sa biktima kung kaya palaisipan sa awtoridad ang motibo sa naturang pamamaslang.