Firewoman, tinodas sa sakal ng lover

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang isang babaeng bumbero ng kanyang live-in partner na posibleng nasa impluwensya ng iligal na droga, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawi na si Ely Ann Insigne, 28, miyembro ng Valenzuela City Fire Station at naninirahan sa A. Marulas Street, Brgy. 36, ng naturang lungsod. Hawak naman nga­yon ng pulisya ang suspek na si Dexter Tulaylay, 27, makaraang kusang-loob na sumuko.

Base sa inisyal na ulat ng pulisya, nadiskubre ang pagkamatay ni Insigne nang bumisita sa kanyang bahay ang mga kaanak at kapitbahay rin na sina Michele Mañaol at Cathe­rine Borillo dakong alas-7:30 ng umaga. Dito nila nakita si Insigne na nakahiga sa sahig at wala nang buhay.

Inabutan naman ng dalawa si Tulaylay sa loob ng bahay na umamin na siya ang may ka­gagawan ng pagpatay sa kinakasama. Agad na humingi ng saklolo sina Manaol at Borillo sa mga tauhan ng Police Community Precinct 2 na siyang umaresto sa suspek.

Sa inspeksyon sa lugar ng krimen, nadiskubre ang isang plastic sachet na nagla­laman ng hinihinalang shabu na pag-aari ng suspek. Pinaniniwalaan ng pulisya na nasa impluwensya ng iligal na droga ang suspek nang isagawa ang krimen.

Patuloy naman ang imbes­tigasyon ng pulisya sa natu­rang kaso upang mabatid ang buong pangyayari. Nahaharap ngayon sa kasong murder ang suspek.

 

Show comments