Mga Hapones ang binibiktima: Army reservist dawit sa ‘murder for insurance’, timbog

MANILA, Philippines - Isang nagpakilalang Army reservist,  na kasabwat umano ng isang Japanese syndicate na may kinalaman sa modus na ‘murder for insurance’ ang nadakip ng pulisya, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Kinilala ni Chief Inspector Romy Lanzarrote,  hepe ng  Criminal Investigation and Detection Group ng Southern Police District (CIDG-SPD) ang inarestong suspect na si Kirby Patricio Tan,  naninirahan sa Brgy.  Pulang Lupa ng nasabing lungsod.

Alas-10:00 ng umaga nang arestuhin ng mga pulis si Tan sa bahay nito sa naturang lugar kung saan nakumpiska rito ang dalawang baril at isang granada.

Nabatid, na si Tan umano  ay kasabwat ng isang Ja­panese syndicate na ang modus ay ‘murder to claim insurance’, kung saan dalawang Hapones na ang biktima at napatay.

Modus ng sindikato na  magtayo ng kompanya sa bansa, at hihimukin ma­kisosyo sa kanila ang kapwa nila Hapones, pagkatapos ay ipapa-insured at saka nila ipapapatay at ang magiging beneficiary ay ang kompanya.

Nabisto ang modus ng sindikato ng kanilang patayin ang huli nilang biktima na si Tatsuya Nakamura kung saan naaresto ang tatlong Hapones at isang Filipina.

Sa ngayon ay pinaghahanap pa ang isa pang Hapones na miyembro rin ng sindikato.

Nangako naman si Tan na makikipagtulungan siya sa mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mga nabiktima.

Show comments