1,000 pamilya nawalan ng bahay: Lola natusta sa sunog
MANILA, Philippines – Isang 74-anyos na lola ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan sa halos anim na oras na sunog na sumiklab sa mga kabahayan sa NIA Road, Bgy. Pinyahan, Quezon City.
Sa ulat ni FO2 Leonitan Tumbaga, arson investigator, nakilala ang nasawi na si Corazon Tioson, alyas Goring, na halos hindi na makilala dahil sa labis na pagkakasunog sa buong katawan.
Sugatan naman sina Cherry Velasno, 29; Albert Holunberyo, 28, at SFO2 Benhur Agatep .
Ayon sa imbestigasyon, ang sunog ay naganap sa kaha-baan ng NIA Road, Brgy. Pinyahan, dakong alas -7:25 ng gabi.
Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Romano Ginayo na umano’y malapit sa tinutuluyan ng biktima.
Dahil sa gawa sa light materials ang mga kabahayan, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang mga katabing bahay na gawa rin sa tagpi-tagping materyales.
Sa lawak ng lugar at dami ng mga nakatira ay naging makitid ang daan kung kaya nahirapan ang mga rumispondeng bumbero na agad na maapula ang apoy hanggang sa tuluyang lumaki ito at itinaas ang alarma.
Makalipas ang ilang oras ay tuluyang itaas sa Task Force Delta ang sunog. Idineklara itong fire out, ganap na alas-1:22 ng madaling-araw kahapon.
Sa ginawang clearing operation ng BFP ay saka nadiskubre ang bangkay ng lola na sunog na sunog sa loob ng kanilang bahay.
Samantala, aabot sa 500 bahay ang naabo at nasa mahigit 1,000 pamilya ang naapektuhan sa naturang insidente.
Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP upang mabatid ang sanhi ng nasabing sunog.
- Latest