MANILA, Philippines - Humigit-kumulang sa P3 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam ng pinagsanib na mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) at San Juan Police sa isinagawang drug bust operation sa San Juan City nitong Biyernes ng hapon.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni Eastern Police District (EPD) Anti-Illegal Drug Unit Chief P/Senior Inspector Virgilio Santiago, bandang alas-12 ng hapon ng isagawa ang operasyon malapit sa Club Filipino sa Greenhills ng lungsod.
Arestado naman sa operasyon ang dalawang Chinese at ang kasabwat ng mga ito sa illegal drug trade na mag-asawang Pinoy na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan habang isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon.
Nasamsam sa operasyon ang 100 bags na tinatayang naglalaman ng 6-10 kilo ng shabu sa isang residential area sa Mangga Street ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa opisyal ang mag-asawang Pinoy ay hindi target ng operasyon pero kasama ang mga ito sa inaresto matapos na maabutan ng mga operatiba sa lugar kung saan isinasagawa ang anti-drug operation.
Narekober rin sa mga suspect ang dalawang behikulo, isang Honda CRV at isang kulay itim na Subaru forester at hindi pa madeterminang cash kabilang ang P20,000 na ginamit sa drug bust operation.
Nakuha rin sa operasyon ang mga likido na gamit na sangkap sa pagmamanupaktura ng shabu.
Patuloy namang isinasailalim sa masusing tactical interrogation ng mga awtoridad ang mga nasakoteng suspect.