MANILA, Philippines – Sumiklab ang isang malaking sunog sa impounding area sa loob ng Valenzuela City Hall compound sa Brgy. Dalandanan, Martes ng gabi.
Ayon sa guwardiyang si Mark Daube, alas-11:30 ng gabi nang makarinig siya ng pagsabog na tila pumutok na gulong. Nang inspeksyunin niya ang pinagmulan, nakita niya na may usok at maliit na apoy na tinangka niyang apulain gamit ang fire extinguisher ngunit bigla umano itong lumaki kaagad.
Mabilis namang nakaresponde ang mga bumbero na nasa tapat lang ng Valenzuela City Hall ngunit nahirapang agad na maa-pula ang apoy dahil sa nasusunog na mga goma ng gulong ng mga sasakyan.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog dakong alas-12:06 ng madaling araw hanggang sa ideklara ang “fire under control” dakong ala-1 na ng madaling araw.
Bukod sa mga sasakyan, tambakan din ang lugar ng mga bakal at mga tarpaulin na gamit ng city hall.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga arson investiga-tor sa sanhi ng sunog habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang natupok.