Biyahe ng MRT-3, pinutol
MANILA, Philippines – Pinutol ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga makaraang magkaroon ng aberya sa riles.
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), nakasaad na nagkaroon ng technical problem dakong alas-6:12 ng umaga sa pagitan ng Santolan/Annapolis at Cubao stations northbound.
Sinasabing may nasirang riles ng tren sa pagitan ng dalawang istasyon kaya pinutol ang biyahe ng MRT-3.
Bunsod nito ay pansamantalang sinuspinde ang biyahe ng MRT sa Cubao hanggang Santolan station.
Bandang alas-6:20 ng umaga ay nilimitahan naman ang Southbound trips sa Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue stations.
Matapos ang isang oras ay naibalik naman sa normal ang operasyon ng MRT-3 makaraang makumpuni ang nasirang riles.
Ang MRT-3 ang bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City at vice versa.
- Latest