MANILA, Philippines – Winakasan ng 46-anyos na komedyanteng singer na si Blakdyak ang kanyang buhay sa pamamagitan ng paglalagay ng plastic bag sa kanyang mukha, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay SPO1 Lester Evangelista, ng Manila Police District Homicide Section, si Blakdyak o Joey Formaran, ng Dapitan Square, Dapitan St., Sampaloc, Maynila ay namatay dahil sa ‘asphyxia thru smother’.
“Posibleng naka-downer siya kaya desidido siya sa ginawa niyang pagpapakamatay, walang sugat ang kanyang katawan, wala rin kagamitan niya ang hinalukay, may nakita kaming bote ng Chivas Regal sa banyo, at sa kusina iba’t-ibang klase ng bote ng alak”, ayon pa kay Evangelista.
Nabatid na hinihintay pa ni Evangelista ang resulta ng awtopsiya para malaman kung may tinikman itong drugs bago nagpakamatay.
Sa pagtaya ni Evangelista may 6 na oras nang patay ang biktima nang matagpuan ito ng kanyang anak.
Inalis ni Evangelista ang anggulong foul play sa insidente dahil wala namang anumang indikasyon na mayroong naganap na ‘struggle’ at wala ring forcible entry sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay.
Nalaman rin na posibleng ‘depresyon’ dahil wala nang gaanong proyekto bukod pa sa mga kaso may kaugnayan sa droga na kinakaharap nito sa ilang presinto sa Quezon City Police District (QCPD) at MPD.
Nakulong na rin umano ito sa kasong panggugulo sa Mandaluyong City at madalas umanong ireklamo ng kanyang mga babaeng tenant sa naturang condominium dahil sa pagpapakita nito ng maseselang bahagi ng katawan at niyaya pa silang makipag-sex sa kanya.
Si Blakdyak ay nadiskubreng patay ng kanyang anak na si Tomi, 12, sa loob ng kuwarto nito dakong alas-6 ng gabi, walang saplot ang buong katawan, nakahandusay sa sahig at may nakasuklob na plastic sa ulo.
Magugunita na si Blakdyak ang nagpasikat sa mga awiting ‘Modelong Charing,’ ‘Good Boy’ ‘Magic Kapote’ at ‘Asin at Paminta.’ at nagbida rin sa ilang comedy films.
May mga nagsasabi na si Blakdyak ay half Filipino at half Barbadosian. Kasal ito kay Twinkle Estanislao at may apat na anak.