MANILA, Philippines – Umaabot na sa 600 riders ang nasampulan kahapon sa unang araw na isinagawang ‘dry run’ kaugnay sa pagpapatupad ng motorcycle lane policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa darating na Lunes.
Ayon kay MMDA General Manager Tim Orbos, nasa 625 na riders ang nasita mula sa C-5 at sa kahabaan ng EDSA kahapon.
Ang mga motorcycle riders na sinita ay lumabag sa motorcycle lane policy na pormal na ipatutupad ng Inter-Agency Council on Traffic (IACT), Department Of Transportation (DOTr) at MMDA sa ilang major thoroughfares bukas (Nob. 14).
Ilang motorsiklo ang binaklas ang plaka dahil ang nagmamaneho ay walang lisensiya.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang magiging violation nito ay magmumulta ng P500 kapag hindi dumaan sa tamang lane, P1,500 na walang suot na helmet habang nasa P150 naman ang multa pag walang plaka ang motorsiklo.
Ito ay base na rin sa derektiba sa kanila ng Inter-Agency Council on Traffic (IACT) ng Department Of Transportation (DOTr) para na rin sa kaligtasan ng mga rider.