MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraan umanong manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police sa isang anti-drug operation sa Brgy. Old Balara sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat kay QCPD Director P/Senior Supt. Guillermo Eleazar, kinilala ang nasawi na si Ariel Tabucuran, alyas Rodel, 22, na umano’y isa sa drug personality ng nasabing brgy.
Ayon sa ulat ng Police Station-6, nangyari ang insidente sa may Area 6, Luzon Avenue, Brgy. Old Balara QC, dakong alas 3 ng madaling araw.
Bago ito, nakatanggap umano ng ulat ang Police Station-6 kaugnay sa umano’y nagaganap na pot session sa bahay ng isang alyas Bong at alyas Ate Lola sa nasabing lugar.
Agad na rumisponde ang mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) sa lugar para alamin ang katotohanan ng nasabing impormasyon.
Subalit, pagsapit sa naturang lugar ay nakatunog umano si Bong at nagtatakbo papasok sa kanyang bahay. Hinabol naman ito ng mga operatiba at sinalubong na sila ni Rodel ng putok.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba sanhi ng kamatayan nito.
Nakatakas naman si Bong, habang nasa 34 katao na naabutan sa lugar ang dinampot ng mga operatiba para sa pagsisiyasat.
Narekober sa lugar ang isang kalibre.45 pistola, mga drug paraphernalia at shabu.