Protesta laban sa heroe’s burial ni Marcos

Tutol ang militanteng grupo sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani kaya nagkilos protesta sila sa harapan ng Kartilya ng Katipunan Shrine sa Manila kahapon. Edd Gumban

MANILA, Philippines - Nagsagawa ng kilos protesta ang grupong Bayan sa Bonifacio Shrine kasabay ng paggunita sa National Heroe’s Day kahapon.

Giit ng mga raliyista na may bitbit na malaking letra na bumubuo sa katagang: Marcos is not a hero, na hindi dapat ituring na bayani ang dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang pagtitipon ay ginawa dalawang araw bago ang nakatakdang oral arguments sa Korte Suprema kaugnay sa kaso ng pagbibigay ng heroe’s burial kay Marcos.

Samantala, nag-imbita ng mga resource person ang Korte Suprema para  sa oral arguments kaugnay sa kaso ng paghihimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Kasama sa mga inimbitahan si National Historical Commission of the Philippines Chairperson Maria Serena Diokno at dating Interior Secretary Rafael Alunan III.

Hiniling din ng hukuman na dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan ng Presidential Commission on Good Government, Office of the Ombudsman, Human Rights Victims’ Claims Board, Commission on Human Rights at Adjutant General of the Armed Forces of the Philippines.

Nabatid na si Alunan ay signatory sa kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng pamilya Marcos noong 1993 kung saan tinukoy na ang mga labi ng dating Pangulo ay ililibing sa Ilocos Norte.

Show comments