Sa Pasig at Maynila 3 pang ‘tulak’ ng illegal drugs, bulagta

MANILA, Philippines - Todas ang tatlong hinihinalang ‘tulak’ ng droga makaraang manlaban sa mga awtoridad na nagsasagawa ng buy bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Pasig City at Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa lungsod ng Pasig, ang unang biktima ay kinilala lamang sa alyas Pogi  na dead-on-arrival sa Rizal Medical Center makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Pasig police.

Ayon sa report, ang insidente ay naganap dakong alas-6:00 ng gabi sa Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario Pasig City.

Sinabi ni Senior Supt. Jose Hidalgo, hepe ng Pasig police, habang nagsasa­gawa ng buy bust operation ang kanyang mga tauhan ay makatunog ang suspek na pulis ang bumi­bili sa kanya ng droga kaya ito bumunot ng kanyang kalibre 38 baril at nakipagbarilan sa mga pulis na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Nabawi sa suspek ang 10 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga, ibat-ibang uri ng drug paraphernalia at isang kalibre 38 baril na may bala.

Ang ikalawang insidente ay naganap dakong alas-9:30 ng gabi sa Dr. Pilapil St., Brgy. San Miguel, Pasig City, kung saan ang napatay na suspek ay nakilalang si Alex Amorosa na sinasabing kilalang drug pusher sa lugar.

Samantala sa Maynila, namatay noon din ang isang 19-anyos na miyembro ng Batang City Jail (BCJ) na sinasabing ‘tulak’ ng iligal na droga nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) na nagsasagawa ng buy-bust operation, sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Ogie Sumague,  alyas Dondon at Taiwanese ng  Del Pan St., Binondo, Maynila  bunga ng limang tama ng bala na tinamo sa katawan.

Sa ulat ni SPO2 Benito Cayabyab ng MPD-Homicide Section, dakong  alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima.

Nag-ugat ang pagkabaril sa biktima habang papasok umano ang mga operatiba ng MPD-Station Anti Illegal Drugs (SAID) ng Station 11 sa lugar kung saan naroon ang target na si Sumague.

Naalarma umano si Sumague nang makita ang mga pulis at una umano itong nagpaputok sa direksiyon ng mga pulis at isa ang tinamaan subalit nakasuot ng bullet proof vest kaya hindi tumagos sa kaliwang bahagi ng katawan. Gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ni Sumague.

Show comments