Digong sa mga taga-Tondo ‘Tiis, tiis ng konti’
MANILA, Philippines - Ikinagalak ng mga residente ng Tondo, Maynila ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang panunumpa bilang ika-16 na Pangulo ng bansa noong Huwebes.
Sa ginanap na Solidarity Dinner with the Poor sa Delpan Sports Complex, sinabi ni Duterte na hindi niya aatrasan ang problema ng Pilipinas subalit kailangan din umanong tumulong ang mga ito sa kanyang mga programa sa pamamagitan ng pagtitiis ng konti.
“Ayaw ko kayong biguin at ako naman hindi mahilig diyan sa promise-promise. Pag nagbitaw ako ng salita, ‘yun na ‘yun,” ani Duterte.
Nagpasalamat din si Duterte sa mga taga-Tondo sa suporta na ibinigay nito sa kanya noong nakaraang May 9 elections. “Maski saan mo bilangin, maski dito sa Tondo, wala ako ni isang lider kundi kayo. Kayo mismo ang tumanggap sa akin,” ani Duterte.
Nakakuha si Duterte ng 320,000 votes sa Maynila kung saan 115,000 votes ay mula sa mga taga-Tondo.
Sinabi din ng bagong halal na pangulo na kahit sino ay maaaring pumasok sa Malakanyang lalo na ang mga mahihirap.
Samantala nagbabala uli si Digong sa mga taong sangkot sa droga kasabay nang pagsasabing “Walang tayong sisihan. Tapos na ko magbigay ng warning.”
Iginiit nito na dapat nang magbago ang mga sangkot sa ilegal na droga dahil alalahanin nilang tapos na ang kanyang warning sa mga ito.
“Kaya kayong mga droga, tapos na ako nag-warning ‘nong eleksyon. Kung anong mangyari sa inyo, makinig kayong lahat, baka kapatid mo ‘yan, asawa mo, kaibigan mo, anak mo, ipapasabi ko na sa inyo, walang sisihan. Sinabi ko na sa inyong huminto kayo. Ngayon, pag may mangyari ho sa kanila, ginusto nila ‘yan. Ginusto nila,” wika pa ni Duterte sa mga taga-Tondo.
“Kung ‘yung asawa mo naman adik, wala naman ginagawa kung hindi kumain ng hindi niya gastos; nagnanakaw, nagho-hold up para sa droga. Hindi kaya mabuti na lang tatapusin na natin ang purgatoryo nila. Tama,?” dagdag pa ng Pangulo.
- Latest