3 salisi huli sa akto

MANILA, Philippines – Tatlong lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng ‘Salisi gang’ ang nadakip makaraang maaktuhang  sumasalisi sa isang kuwarto ng isang hotel sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nakapiit sa  Manila Police District-Station 8 ang mga suspek na nakilalang sina Jao Jomar Villacencio, alyas Jomar, ng Road 4, V. Mapa St.; John Ronald Toledo, alyas Choknat o Chuknat, 32, ng V. Mapa St; at  Edwin Osiah, 19, ng Guma-mela St., pawang ng Sta. Mesa, Maynila na nahaharap na sa kasong robbery.

Sa ulat ni PO2 Lalaine Almosa, dakong alas -8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Room 1014 sa  isang hotel na matatagpuan sa Ramon Magsaysay Blvd., sa  Sta.Mesa, Maynila.

Sa reklamong inihain ng kostumer na si Merkam Hanapi,30, fish broker at residente ng Don Alfaro Tetuan, Pacatang Drive, Zamboanga City, nagulat siya nang hindi umano niya mabuksan ang pintuan ng kaniyang nirentahang kuwarto kaya humingi ng assistance sa staff ng hotel.

Tiyempo naman na sa pagbukas ng pinto ay papalabas na ang suspek na si Chuknat  kaya nagmada­ling tumawag ng pulis ang bell boy ng hotel at pinigilan ang mga ito.

Naroon din sa gusali ang dalawa pang suspek na itinuro ni Chuknat. Nabatid na si Boboy ang may hawak ng card o false key kaya nabubuksan nila ang  mga kuwartong target nakawan.

Narekober naman kay Chuknat ang 2 cellphone na Samsung ng biktima at cash na P6,920. Samantha Valmonte-trainee

 

Show comments