MANILA, Philippines – Puspusan ngayon ang operasyon ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau sa iba’t ibang lugar sa Maynila.
Ayon kay MTPB Director Ret.Col. Benjamin Feliciano, ang kanilang sunud-sunod na operasyon ay bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga estudyante papasok ngayon Hunyo.
Kabilang sa mga sinuyod ng MTPB ang kahabaan ng Rizal Ave. at Tambunting St. sa Sta. Cruz; Gabbys hanggang Panaderos St. sa Sta. Ana at Lambingan Bridge sa Sta. Mesa, Maynila.
Sinabi ni Feliciano na kailangan nang linisin at paluwagin ang mga lugar dahil inaasahan na ang dagsa ng mga sasakyan at estudyante na papasok ngayon sa pagsisimula ng school year.
Kasama sa mga nagsagawa ng clearing operation sina Gerald Mendoza, Agalito Cunanan, Joseph Guian, Rodin Valdez, Joey Edrick Santiago, Bienvenido Dataylo, Glen Valderde, Willie Gardiola, Christopher Salvador, Relito Navarro, Arielito Isip, Oscar Mangabang at Eduard Montebon.
Idiniin din ni Feliciano na isasagawa nila ang surprise operations sa mga lugar na tambak ang reklamo mula sa mga motorista upang malaman ang solusyon na ginagawa ng mga traffic enforcers.