Mga silid-aralan sa Quezon City, handa na sa pasukan
MANILA, Philippines – Handa na ang mga silid-aralan na gagamitin ng mga mag-aaral sa Quezon City sa pasukan sa Hunyo 13.
Ito ang tiniyak kahapon ni Quezon City Mayor Herbert Bautista matapos makumpirma sa mga tauhan na maging ang mga maidaragdag na 400,000 mag- aaral na nag-enrol sa iba’t ibang public elementary at secondary schools sa lungsod kasama na ang mga enrollees para sa senior high school program ay maayos na maa-accommodate sa iba’t ibang mga pampublikong paaralan sa QC.
Iniulat din ni Bautista na ngayong school year, naglaan ang QC government ng P1.430 bilyon para suportahan ang iba’t ibang educational requirements, pag-sentro sa pagkilala sa mga bagong school sites, pagbili ng mga SHS supplies at equipment at pagtatayo ng dagdag na silid aralan para sa senior high school sa tulong na rin ng Department of Education (DepEd).
Sa ngayon aniya, nakapagtayo na ang lokal na pamahalaan ng mga silid aralan para sa mga senior high schools na kinapapalooban ng 4-storey, 12-classroom school building na may multi-purpose hall sa Ernesto Rondon High School; 4-storey, 12-classroom school building na may 6 laboratories sa San Francisco High School; 4-storey, 12-classroom school building na may 6 laboratories sa Batasan National High School; 4-storey, 20-classroom school building na may 6 laboratories sa North Fairview High School; 4-storey, 21-classroom school building na may 3 laboratories sa West Fairview High School; 4-storey, 12-classroom school building na may 2 laboratories sa Ismael Mathay Sr. High School; 4-storey, 15-classroom school building sa Emilio Jacinto National High School at 4-storey, 24-classroom school building sa New Era High School.
Bukod sa pagtatayo sa naturang mga school buildings, bumili rin ang city government ng mga properties para sa SHS tulad ng Feliciano Roxas property na laan sa Nagkaisang Nayon High School; Cardenas property para sa Tandang Sora High School; Hilsa Industrial Corporation property para sa Payatas High School; Rivera property para sa Kaligayahan High School at EJ Realty property sa Pasong Tamo High School.
Sa ngayon, may 96 public elementary at 46 high schools sa QC.
- Latest