MANILA, Philippines - Dalawa katao ang su-gatan at nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko matapos bumagsak ang isang crane mula sa isang ginawang gusali sa Makati City kahapon ng umaga.
Ginagamot ngayon sa Makati Medical Center (MMC) ang mga biktimang sina Ramon Romirosa, 47, taxi driver at ang siklistang si Romeo Lopez, 40, na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Ayon sa report na nakarating sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-7:50 kahapon ng umaga sa ginagawang gusali ng Sky Suites buil-ding, sa #114, kahabaan ng H.V. Dela Costa St., Salcedo Village, Brgy. Bel-Air ng naturang lungsod.
Bumagsak ang isang crane ng naturang construction site dahilan upang mabagsakan ang dumadaang taxi ni Romirosa at ang siklistang si Lopez.
Bukod dito nagbagsakan din ang pitong poste ng Manila Electric Company (MERALCO), dalawang poste ng Telus, na nagdulot ng pagkaputol ng supply ng kuryente sa naturang lugar at kalapit na bisinidad nito.
Kaagad namang dinala ng rescue team ang mga sugatang biktima sa nasabing ospital.
Nagdulot din ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga motorista ang insidente.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng Mega World sa insidente.
Inaalam na rin kung magkanong halaga ng mga ari-arian ang napinsala at aalamin rin kung may na-ging kapabayaan at nagkaroon ng paglabag sa safety measure ang contructor ng naturang gusali.
Samantala, ayon kay Engineer Julio Cepeda, officer-in-charge ng Office Building Official (OBO) ng Makati City Hall, iimbestigahan nila ang A.M. Oreta Construction Company, ang kontraktor na gumagawa sa Sky Suites Building upang matukoy kung ano ang na-ging sanhi nang pagbagsak ng crane.