MANILA, Philippines – Patay ang isang ahente makaraang pagbabarilin ng isang holdaper nang tangkain ng una na pumalag at takasan ang huli habang kinukuha ang kanyang bag sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang biktima ay nakilalang si Leonardo Cabañas, 27, ng San Mateo Rizal.
Ayon kay PO2 Julius Raz, may hawak ng kaso, naisalarawan naman ang suspect sa taas na 5’5, matipuno ang katawan, nakasuot ng itim na helmet at itim na jacket na pinaghahanap na ng kapulisan.
Sa pagsisiyasat ni Raz, nangyari ang insidente sa harap ng isang tindahan na matatagpuan sa Dominga St., kanto ng Pablo St., F. B Harisson Subd. Brgy. Nagkakaisang nayon sa lungsod, ganap na alas-11:30 ng umaga.
Isang saksi ang nagsabing nakita niyang nilapitan ng suspect ang biktima at pilit na inaagawan ang dalang bag. Armado umano ng baril ang suspect.
Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng nanlaban ang biktima kaya ito pinaputukan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya sa crime scene narekober ang dalawang basyo at isang tingga mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril na ginamit ng salarin sa krimen.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang CIDU sa nasabing insidente.