MANILA, Philippines - Nagkaroon ng aberya ang biyahe ng Light Rail Transit (LRT-1) makaraang maapektuhan ang daloy ng kuryente dahil sa sumabog na transformer ng Meralco kahapon ng umaga.
Ayon kay Operations Director Rodrigo Bulario, may sumabog na transformer sa may LRT-1 depot na nagresulta sa pagkawala ng kuryente sa kanilang mga tren. Sinasabing ang pagsabog ay dulot ng malakas na pag-ulan sa lugar bago mag- alas-6:00 ng umaga.
Dahil sa insidente ay nalimitahan ang source ng power at naapektuhan ang operasyon ng mga tren, na napilitang gumamit ng backup power supply at rectifier.
Nabatid na mula sa dating tuwing ikatlong minuto ay naging tuwing ika-15 minuto na lamang nakakaakyat ang mga tren sa LRT-1 depot, na naging sanhi upang bumagal ang operasyon nito. May walong tren lamang ang bumibiyahe na siyang kayang suplayan ng kanilang kuryente.
Kaagad naman kinumpuni ng mga personnel ng Manila Electric Company (Meralco) ang sumabog na transformer upang muling manumbalik ng magandang daloy ng supply ng kuryente.
Dakong alas-7:00 ay nasa 20 tren na ang nakabiyahe at ganap na nagbalik sa normal ang operasyon bandang alas-9:00 na ng umaga makaraang magamit ang 28 bagon ng LRT.