Timbog sa Iraq: 2 Pinoy na dawit sa human trafficking, giit ibalik sa Pinas

Dalawang  Pinoy na  umano’y ‘bugaw’ ng mga babaeng ni-recruit bilang Spa attendants ang  ina­asahang ipababalik sa Pilipinas matapos madakip ng mga awtoridad sa Kurdistan, Iraq kaugnay sa kanilang iligal na aktibidad. File photo

MANILA, Philippines – Dalawang  Pinoy na  umano’y ‘bugaw’ ng mga babaeng ni-recruit bilang Spa attendants ang  ina­asahang ipababalik sa Pilipinas matapos madakip ng mga awtoridad sa Kurdistan, Iraq kaugnay sa kanilang iligal na aktibidad.

Ito ang iniulat ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) kahapon.

Pinipigil pa sa Erbil, Kurdistan Region ang mga suspek na sina Gie Viterbo Rodeo at  Gil Feraer Rodeo, na naaresto noong nakaraang buwan sa reklamong  estafa at paglabag sa immigration laws gayundin sa  iniimbestigahang pagkakasangkot nila sa human trafficking activities.

Ang mga recruit na Pinoy diumano ng da­lawa ay ipinapasok sa Spa (massage) clinic at pinupwersang makipagtalik sa mga kliyente.

Ipinarating na rin ito ni IACAT Executive Director Darlene Pajarito kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Wendell L. Go,  ang Undersecretary-In-Charge ng  IACAT.

Nais ng IACAT na makuha ang kostudiya sa dalawang Pinoy dahil may dapat silang hara­ping kasong syndicated illegal recruitment at estafa sa Las Piñas Regional Trial Court .

Bukod pa umano ito sa isa pang  outstanding warrant of arrest  mula sa Puerto Princesa Regional Trial Court sa kahalintulad ding kaso.

Nabatid na inireklamo ng hindi bababa sa 3 miyembro ng Filipino Community  sa Kurdish authorities  ang dalawa na  natuklasan ding walang valid residency permits  doon.

Magpapadala na ng communication ang IACAT sa Philippine Embassy sa  Iraq  sa request na ipatapon pabalik ang 2 Pinoy.

Show comments