MANILA, Philippines – Nanindigan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasa loob ng clandestine laboratory sina Lt. Col. Ferdinand Marcelino at Yan Yi Shou na subject ng search warrant ng kanilang ahensya at ng Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Group noong January 21, 2016.
Aksyon ito ng kagawaran bunsod ng pahayag ni Marcelino na nagsasagawa sila ng surveillance sa lugar kung kaya naroon sila at naabutan ng mga sumalakay na operatiba.
Ayon kay PDEA Director Gen. Undersecretary Arturo Cacdac Jr., batay umano sa testimonya ng dalawang security guard na naka-duty sa main entrance gate ng Celadon Residences sa Felix Huertas Road, Brgy. 350, Zone 35, District 3, Manila, noong January 20, 2016, ganap na ala-1:24 ng madaling-araw isang kulay silver na sasakyan na ang driver ay isang mukhang Chinese na kalaunan ay nakilalang si Shou, alyas Randy ang dumating at nagpaa-lam sa kanya na pupunta sa No. 15 Celadon Residences ngunit hindi umano ito pinapasok dahil sa wala itong permiso sa may-ari.
Sa puntong ito, tinawagan umano ni Shou gamit ang kanyang cellphone ang isang tao at ilang minuto ay umalis.
Dakong alas-9:20 ng gabi ng nasabi ring petsa, isa sa mga guwardiya ang nakatangap ng phone call mula sa may-ari ng unit na si May Co na nagsabing may darating siyang mga bisita na sakay ng isang Toyota Camry.
Isang oras ang lumipas, dumating anya ang naturang kotse na may plakang XEV-665 at bilang pagsunod sa standard procedure ay hiningi ng security guard ang lisensya ng driver na nakilalang si Shou saka napuna ang isang lalaki na nakasuot ng kulay green na t-shirt, pero ang mukha ay hindi makilala dahil madilim sa loob.
Kasunod nito, base pa sa pahayag ng security guard, hiniling anya niya kay Shou na buksan ang trunk ng sasakyan para masuri kung saan nakakita ito ng apat na transparent plastic containers na walang laman. Agad na inirehistro ng sekyu sa kanilang logbook ang pangalan ng driver at mga items na nasa loob ng trunk.
Ilang sandali pa ay dumating na ang mga elemento ng PDEA Special Enforcement Services at PNP-AIDG SOU-3 at ipinatupad ang isang search warrant sa bahay sa No. 15, Block 17, Lot 6, Mahogany Street, Celadon Residences, Manila.
Ayon pa kay Cacdac, habang isinasagawa ang pagsisiyasat, positibong kinilala ng mga sekyu mula sa photo gallery ng 17 mga personalidad si Shou bilang driver ng Toyota Camry ng iprisinta ito sa kanila.
Ayon pa kay Cacdac, ang Toyota Camry na minaneho ni Shou ay nakarehistro kay Hydee Uy. Sina May Co at Hydee Uy ay pinakiusapang lumutang sa PNP-AIDG kahapon, para magbigay linaw sa patuloy na ginagawang pagsisiyasat.