Head porter binaunan ng bala sa ulo
MANILA, Philippines – Habang nagkakagulo ang mga tindero at lokal na pamahalaan hingil sa kontrobersyal na paggiba sa Balintawak market sa Quezon City, umuusbong din ang karahasan dito, matapos na isang lider ng mga porter ang binaril at mapatay ng kanyang kabaro kamakalawa, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawi na si Joel Bulan, 41, at stay-in sa MGP Market na matatagpuan sa 1165 Edsa, Brgy. Apolonio Samson, Balintawak sa lungsod.
Ayon kay PO2 George Calcuba ng CIDU, si Bulan ay binawian ng buhay, apat na oras habang ginagamot sa Quezon City General Hospital (QCGH) sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang sentido na tumagos sa kanang bahagi nito.
Pinaghahanap naman ng CIDU ang suspect na nakilala sa alyas na Bato, na porter din sa MC Market.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente ganap na alas- 11:30 ng umaga.
Ayon sa testigo nakita niyang lumapit ang suspect sa biktima at malapitang binaril sa ulo.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Riverview Market.
Hindi na rin umano nagawang pigilan ng ilang nakasaksi ang suspect dahil sa pagiging armado nito.
Ang MC market sa Balintawak ang isa sa walong kontrobersyal na palengke na planong ipasara ng lokal na pamahalaan dahil sa maraming paglabag kaugnay sa kalinisan, pero mahigpit na tinututulan ng mga vendor sa pamamagitan ng rally.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest