MANILA, Philippines - Kakasuhan ng overchar-ging ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sinumang jeepney drivers na hindi susunod sa P7.00 singil sa pasahe sa jeep sa Metro Manila, Region 3 at 4.
Ito ang babala ni LTFRB board member Atty. Ariel Inton, laban sa mga jeepney drivers na patuloy na naniningil ng P7.50 minimum fare sa jeep at ayaw sundin ang P7 fare rollback.
Kahapon, dinagsa ng reklamo ang LTFRB dahil sa hindi umano pagpapatupad ng karamihang jeepney driver sa Metro Manila sa P7 pasahe.
Paliwanag naman ng mga driver na kailangan pa nila ng fare matrix kaya di sinusunod ang P7 pasahe sa jeep.
“Hindi na kailangan ang fare matrix kase ang naipatupad na rollback ay provisional rollback, under the LTFRB rule of procedures, kailangan lamang na mai-publish sa general circulation na mga diyaryo ang impormasyon sa fare rollback at agad agad itong maipatutupad ng walang fare matrix,” paliwanag ni Inton.
P5,000 anya ang multa sa mga ayaw sumunod sa implementasyon ng P7 pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Kahapon epektibong naipatupad ang fare rollback na P7.00 mula sa P7.50 minimum pasahe sa jeep dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng diesel sa merkado.