MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang babaeng karnaper at lalaking kasabwat nito matapos salakayin ang kanilang lungga sa Quezon City, kahapon.
Kinilala ni QCPD Director PC/Supt Edgardo G. Tinio ang mga suspek na sina Mariecar Rosel, 26, dalaga, ng no. 12 Brahms St., Ideal Fairview, Quezon City at Reginald Van Malate, 27, binata, ng 400 Solara St., Intramuros, Manila.
Dinakip ang mga suspek ng mga operatiba ng Anti-Carnapping Unit (ANCAR) sa pamumuno ni P/Chief Insp. Jose Joey Arandia, hepe ng ANCAR Unit sa may basement parking ng isang hotel sa EDSA, Brgy. Philam, nasabing lungsod.
Sabi ni Arandia, si Rosel ay naging target personality ng kanilang tanggapan bunga ng pagtangay nito sa isang Toyota Fortuner na may plakang NOQ-668 na pag-aari ng isang Mo-naliza Rosell-Laurente, 46 noong January 18, 2016.
Naganap ang pagtangay ni Rosel sa sasakyan ni Laurente nang imbitahan ng una ang huli sa pamamagitan ng Facebook message na maging principal sponsor sa nakatakdang pagpapakasal nito sa unang Linggo ng February ng kasalukuyang taon.
Dahil kaibigan at schoolmate ng anak na babae ni Laurente ang suspek sa FEU ay nakumbinsi siya nito na magkita sa isang lugar sa Dahlia St., Greater Fairview para maibigay ang invitation card.
January 18, 2016, nagtungo ang biktima sakay ng kanyang Fortuner sa harap ng isang drug store at ilang sandali ay duma-ting si Rosel saka sumakay dito.
Nag-usap ang dalawa tungkol sa kasalan hanggang sa biglang iniba ng huli ang topic at sinabihan ang una na ang gulong ng kanyang sasakyan sa bandang harap ay flat.
Dahil dito, nagmadaling lumabas ng kanyang sasakyan si Laurente para tignan ang gulong nito, at dito biglang pinaandar ni Rosel ang sasakyan at tinangay. Tinangka ni Laurente na pigilan ang suspek subalit nabigo ito at makaladkad pa ng sasakyan. Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa kanang mata, kamay at mga hita.
Natangay din ng suspek ang shoulder bag ng biktima na naglalaman ng P15,000, anim na ATM cards; SSS card; BIR ID card at driver’s license.
Nitong January 20, 2016 ay naispatan ng biktima ang kanyang sasakyan sa may Commonwealth Ave. malapit sa Sandiganbayan at tinangkang pahintuin ito ng una subalit nabigo ito.
Hanggang nitong January 21, 2016, isang impormasyon ang natanggap ng ANCAR kaugnay sa presensya ng isang Fortuner na may plakang NOQ-668 sa may basement parking ng hotel.
Agad nagtungo ang tropa ng ANCAR sa lugar sa pamumuno ni Senior Insp. Hector Ortencio at alas 7:30 ng gabi, naispatan ng mga operatiba ang sasakyan sakay ang mga suspek habang papalabas ng parking patungong southbound ng EDSA dahilan para agad silang pigilan at arestuhin.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspect.