2 kelot itinumba sa Pasig

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang sugatan ang driver ng sinasak­yan nilang tricycle matapos na sila ay malapitang pagbabarilin ng nag-iisang salarin sa Pasig City, kahapon ng madaling-araw.

Walang nakuhang identification sa dalawa na kapwa nasa hustong gulang, katamtaman ang pangangatawan at kayumanggi ang kulay habang ang driver ng tricyle na nagtamo ng tama ng bala sa kanang binti ay kinilalang si Roman Herrera Jr., residente ng Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.

Nabatid mula sa Eas-tern Police District (EPD) na ang pamamaril sa mga biktima ay naganap dakong alas-5:30 ng madaling-araw malapit sa SeaOil gasoline station sa Market Avenue, corner Baltazar St., Brgy. Palatiw, Pasig City.

Ayon sa report, sakay ng pampasaherong tricycle ang dalawang biktima nang lumapit sa kanila ang nag-iisang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito na nagresulta sa agarang kamatayan ng isa sa loob ng tricycle habang ang isa pa ay nakatakbo pero hinabol pa rin ng suspek at mu-ling pinagbabaril.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng SOCO team sa EPD ay nakuhanan ng kalibre 9mm na baril sa kanyang baywang ang isa sa mga biktima na nasawi sa loob ng tricycle habang ang isa naman ay granada ang nakuha sa kanyang bulsa.

Hinihinala ng Pasig police na sangkot sa ile­gal na aktibidad ang mga biktima at posibleng onsehan ang motibo ng krimen.

 

Show comments