MANILA, Philippines – Ipatutupad na rin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang liquor ban sa Enero 9, Sabado sa pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno.
Nakasaad sa Executive Order no. 3 ni Estrada na kokontrolin ang pagbebenta at pag-inom ng mga nakalalasing na alak habang ipinagdiriwang ang tinaguring Manila International Pilgrimage of the Black Nazarene na nilalahukan ng mga deboto.
Bawal ang bentahan gayundin ang inuman ng alak sa sidewalk, plaza at iba pang lugar sa loob ng 200 meters mula sa Minor Basilica ng Black Nazarene; imahe ng Black Nazarene; traslacion o prusisyon at malapit sa isinasagawang vigil na may kinalaman sa paggunita sa kapistahan.
Inaasahan na dadagsain ang traslacion mula sa pahalik nito sa Luneta hanggang sa maibalik ang Poong Nazareno sa Basilika ng Quiapo.
Una nang idineklara ni Estrada na walang pasok sa mga kolehiyo at unibersidad sa lungsod upang matiyak na ligtas at hindi maiipit sa anumang trapiko ang mga estudyante.