Trapik sa Makati, asahan bukas
MANILA, Philippines – Asahan ang matinding trapik dahil isasara ang ilang pangunahing lansangan sa lungsod ng Makati bukas (Disyembre 31) upang bigyan daan ang idaraos na ‘Shout! Makati New Year’s Eve Countdown’ sa University (UMAK) of Makati Track & Field Oval.
Sa abiso kahapon ng Information Community Relation Department (ICRD) ng Makati City Hall, nabatid na simula alas-2:00 ng hapon ng Disyembre 31, 2015 hanggang alas-2:00 ng madaling-araw ng Enero 1, 2016, isasara sa mga motorista ang kahabaan ng J.P. Rizal Extension, mula Lawton Avenue hanggang Buting.
Tanging ang mga residente lamang sa Barangay West Rembo at Barangay East Rembo, ang papayagang makadaan dito at kikilalanin pa ito ng Bantay Bayan personnel para tiyakin kung talagang nakatira sila sa nabanggit na mga lugar.
Dahil dito, pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta.
Nabatid na ang ibang mga behikulo ay maaring dumaan ng Kalayaan Avenue papuntang C-5 Road at Buting.
Ang mga sasakyan namang magmumula ng Guadalupe/EDSA ay pinapayuhang kumanan sa Lawton Avenue, kaliwa ng Kalayaaan Avenue at kanan ng C-5 Road patungong destinasyon (southbound) o kaya’y dumaan sa elevated U-turn at kanan patungong Buting at Pateros o kaya’t dumiretso patungong Pasig (northbound).
Ang mga sasakyan naman na magtutungo ng Guadalupe/EDSA ay maaring dumaan sa Kalayaan Avenue via elevated U-turn at kanan ng Lawton Avenue, kaliwa ng Guadalupe, patungong destinasyon.
Tanging ang mga sasakyan lamang na may car pass ang papasukin sa UMAK at Makati Park and Garden.
Samantala, ipapatupad ang one-side parking sa kahabaan ng J.P. Rizal Extension (UMAK side).
- Latest