MANILA, Philippines – Arestado ang ‘12 tulak at adik’ ng droga sa magkakahiwalay ng Oplan Galugad at buy-bust operation na isinagawa ng pulisya sa lungsod ng Las Piñas, Muntinlupa at Pateros kamakalawa.
Sa ulat na isinumite ni Police Sr. Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Las Piñas City Police sa tanggapan ni Police Chief Supt. Henry S. Ranola Jr., District Director ng Southern Police District (SPD), nadakip sina Felicidad Cusi “alias Nanay Jean”, 58, na nasa top 3 sa listahan ng mga drug personality, nakatira sa #1104 Bayabas St., BF International, Brgy. CAA; magkaanak na sina Edgar Enaje, 40 at Jeffrey Enaje, 32, kapwa taga #109 Mayuga Compound, Sampaguita Dulo, Laong, Brgy. Almanza Uno, pawang ng naturang lungsod.
Alas-4:45 ng hapon nang madakip sa isinagawang buy-bust operation ang tatlo ng Station Anti-Illegal Drugs, Special Operation Task Group (SAID-SOTG), Las Piñas City Police sa kahabaan ng J. Aguilar Ave., Brgy. Las Piñas kung saan nakumpiska rito ang dalawang plastic sachet ng shabu at P600 buy-bust money.
Bandang alas-11:30 ng gabi naman nang nadakip ng mga tauhan ni Police Sr. Supt. Nicolas Salvador, hepe ng Muntinlupa City Police sina Elmer Jamir, 40; Sigfredo Morata, 40; Paul Aguado, 50 at Allan Abella, 47 sa isang buy-bust operation sa #42 Crispin Extension, Sitio Rizal, Brgy. Alabang ng naturang lungsod.
Nakumpiskahan ang mga ito ng ilang plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu at drug paraphernalias
Makalipas ang 25 minutos ay nahuli naman ang magkamag-anak na sina Robert Almerante, 26 at Leo Almerante, 20, kapwa tubong Canggawa, Buenvista, Bohol; Rodelio Inocencio, 54, ng #145 PNR Site, Sunrise Subdivision, Brgy. Bayanan, Muntinlupa City sa isinagawang Oplan Galugad sa Purok 3 ng naturang lugar. Nakuhanan ang mga ito ng drug paraphernalias.
Samantala, sa area naman ng Pateros, nadakip sina Raquel Nacional, 38, at kaanak nitong si Crisanto Nacional, 41 sa isang buy-bust operation sa #111 M.R. Flores St., Brgy. Santa Ana ng naturang bayan alas-2:45 ng madaling araw.
Nakuhanan ang mga ito ng isang plastic sachet ng shabu at P100 buy-bust money. Ang 12 suspek na nadakip ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.