Lola pisak sa trailer

MANILA, Philippines – Napisak ang isang 61-anyos na lola matapos masagasaan at magulungan ng isang trailer truck habang papatawid ito sa kahabaan ng C-3 Road, Caloocan City kahapon ng umaga.

Dead on the spot sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na nakilalang si Rodita Darde-Chua, ng Pamasawata, Block 6, Barangay 28 nasabing lungsod.

Nasa custody naman ng Caloocan City Police ang suspek na Elizer Cascayan, 23, taga Pagudpud, Ilocos Norte.

Ayon kay Caloocan City Police traffic investigator PO2 Ramon Cua, naganap ang insidente alas-5:00 ng umaga sa kahabaan ng C-3 Road ng naturang lungsod.

Tumatawid ang biktima sa naturang lugar at hindi nito namalayan ang paparating na trailer truck na may plakang TWF-238 na minamaneho ni Cascayan.

Huli na bago nakontrol ni Cascayan ang preno ng trailer truck at nahagip nito ang matanda.

Pumailalim ang biktima hanggang sa magulungan na na­ging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Agad namang sumuko ang suspek sa pulisya at naha­harap ito sa kasong Reckless Imprudence resulting to Homicide.

Show comments